Thursday, July 30, 2026

Isang indibidwal, sinintensyahan ng pagkakakulong matapos umanong mandaya sa SHS Voucher Program ng pamahalaan

Pinatawan ng parusang pagkakabilanggo ng mahigit 14 na taon at pagmumulta ng P100,000 ng Regional Trial Court sa National Capital Region (NCR) ang isang akusado na sangkot umano sa pandaraya sa Senior High School Voucher Program ng pamahalaan.

Ito ay matapos umanong magsumite ng akusado ng pekeng billing statement.

Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, maaari pa namang umapela ang akusado pero malinaw umanong ipinapakita ng nasabing desisyon na babala ito para sa mga indibidwal na planong abusuhin ang mga programa ng pamahalaan para sa tulong pang-edukasyon.

Samantala, nangako naman ang nasabing departamento na patuloy nilang poprotektahan ang integridad ng nasabing programa at sisiguruhin ding mapupunta ang mga benepisyo nito sa mga karapat-dapat na estudyante.

Facebook Comments