Thursday, July 30, 2026

Reklamo laban sa umano’y racist joke ni Vice Ganda sa isang segment ng noontime show, nakabinbin pa rin ayon sa MTRCB

Pinagsusumite ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Hearing and Adjudication Committee ng berepikadong Joint Position Paper sa loob ng 7 araw ang respondents sa reklamo kaugnay ng umano’y racist joke ng komedyanteng si Vice Ganda sa segment na “Memerimar” ng noontime show na It’s Showtime.

Kasunod ito ng pagdinig noong Miyerkules, July 29 ng MTRCB kasama ang mga representative at legal counsel ng TV network kung saan ipinalalabas ang nasabing programa.

Binigyan umano ng MTRCB ng pagkakataon na magpaliwanag ang mga respondent sa reklamo habang pinaalalahanan naman ang mga ito sa mandato ng MTRCB sa ilalim ng Presidential Decree No. 1986 at mga Implementing Rules and Regulations ng ahensya para masigurong sumusunod sa broadcast standards ang mga programa sa telebisyon.

Maliban sa Joint Position Paper, pinagsusumite rin ang mga respondent ng Joint Undertaking na nagsasaad ng kanilang mas pinaigting na mga hakbang sa pagsunod sa standards ng MTRCB lalo na sa live, improvised, at comedy segments.

Dagdag pa rito, ipinag-utos rin ng ahensya ang pagtatalaga ng On-Air Compliance Officer na magmo-monitor sa live broadcasts ng nasabing noontime show para agad na mapigilan ang posibleng paglabag sa rules at regulasyon ng MTRCB.

Samantala, sinabi naman ng MTCRB na nananatiling nakabinbin ang nasabing reklamo at reresolbahin umano ito pagkatapos ng pagsusuri ng komite sa mga hinihinging dokumento at ebidensya.

Facebook Comments