Isang rider nasa kritikal na kondisyon, habang nakaligtas ang kaniyang angkas sa pamamaril sa Quezon City

278

Nakikipaglaban ngayon kay kamatayan ang isang lalaking rider habang nakaligtas ang angkas nito matapos silang pagbabarilin ng riding in tandem sa Don Antonio U-turn slot sa Commonwealth Ave., Quezon City.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) Police Station 14 ang biktima na si Dennis Opsima, 29 anyos na residente ng Malate, Maynila.

Tatlong beses binaril si Opsima na kung saan tinamaan ito sa ulo at isinugod at kasalukuyang ginagamot na sa East Avenue Medical Center.


Ligtas naman ang angkas nito na si Sojo Serenas.

Batay sa salaysay ni Serenas sa pulisya, galing sila ng city hall at habang nasa kurbada ng U-turn slot ay bigla na lang silang pinagbabaril pero nagawa niyang makailag.

Ayon kay PCpl. Roosevelt Picnion, tatlong basyo ng pinaniniwaaang kalibre-45 baril ang nakita sa lugar ng krimen.



Iniimbestigahan pa ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen.

Facebook Comments