
Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources o DENR sa publiko at mga lokal na pamahalaan na mas lalo pang paigtingin ang solid waste management o maayos na pamamahala sa basura.
Giit ng departamento, pangunahing pananagutan ito ng mga local government unit (LGU), kabilang na ang waste segregation, pangongolekta, resource recovery, recycling, at iba pa, alinsunod sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Mahalaga umano ang pagpapatupad sa bawat komunidad ng wastong pamamahala sa basura para maiwasan itong tangayin ng baha papunta sa mga kanal, sapa, ilog, baybayin at Manila Bay, lalo na sa pagpapatuloy ng epekto ng hanging habagat sa ilang bahagi ng bansa.
Paglilinaw ng departamento, natural phenomenon ang habagat pero nasa kamay pa rin ng mga Pilipino ang pamamahala sa mga basura para hindi ito makabara sa mga daluyan ng tubig, na isa umano sa nagdudulot ng malalang pagbaha.










