JANITOR, KRITIKAL MATAPOS PAGSASAKSAKIN NG PINSAN SA LAMAY

Cauayan City, Isabela- Nasa malubhang kalagayan ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng pinsan sa isang lamay partikular sa Paraiso Street, Brgy. cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si VJ Navarro, dalawamput walong taong gulang, walang asawa, janitor habang ang suspek na pinsan ng biktima ay kinilalang si Orlando Cabutaje, tatlumpung taong gulang, walang asawa, helper at parehong residente ng Paraiso St ng brgy. Cabaruan.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, dumalo sa lamay ng mga kaanak ang biktima kasama ang kanyang tatay na si Benjamin Navarro at ang kapatid na si Victor at habang sila ay nasa lamay ay nagkaroon ang mga ito ng pagtatalo kaya naman lumapit ang suspek para sila ay awatin.

Pero, habang nag-aawat ang suspek ay pinagtulungan siyang pagbabatuhin ng biktima at ng kanyang ama at kapatid.

Dito na kumuha ng kutsilyo ang suspek at isinaksak ng maraming beses sa katawan ng biktima.

Agad namang naitawag at narespondehan ng himpilan ng pulisya ang insidente kaya agad ring naaresto ang suspek.

Kasalukuyan namang nagpapagaling sa isang pribadong ospital sa Lungsod ang biktima habang nasa kustodiya naman ng PNP ang suspek maging ang ginamit na kutsilyo sa naturang insidente.

Facebook Comments