LALAKING NAGYAYA NG PAKIKIPAGTALIK SA MENOR DE EDAD, TIMBOG SA ENTRAPMENT OPERATION

34
Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kulungan ang isang lalaki na nagyaya ng pakikipagtalik sa isang Grade 8 student matapos itong maaresto sa pamamagitan ng ikinasang entrapment operation ng mga otoridad sa isang hotel dito sa Lungsod ng Cauayan.

Personal na nagtungo at nagsumbong sa himpilan ng pulisya ang katorse anyos na biktima kasama ang kanyang nanay kaugnay sa ginagawang pang-aabuso sa kanya ng tatlumput dalawang taong gulang na suspek na residente rin ng Lungsod ng Cauayan.

Una rito, bago pa makapagsumbong sa pulisya ang biktima ay mayroon na umanong naunang nangyaring pagtatalik sa kanila ng suspek kapalit ang halagang 500 pesos.

Dito na nagsagawa ng entrapment operation ang mga otoridad na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek.

Isinailalim naman ngayong araw sa inquest proceedings ang suspek para sa kanyang kakaharaping kasong paglabag sa Republic Act o RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa ating naging panayam kay PLT Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan, pinapaalalahan nito ang mga magulang na na bantayang maigi ang lakad ng mga anak, alamin kung sino ang mga sinasamahang kaibigan o barkada ganun din sa mga kalalakihan na iwasang makipagrelasyon sa mga menor de edad para iwas sa mga ganitong paglabag.

Facebook Comments