
Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang tatlong sangay ng Aseanway Learning and Development Center (Aseanway) sa Lapu-Lapu City, Cebu at Calumpit, Bulacan.
Bunga ito ng pagkakasangkot ng mga ito sa illegal recruitment.
Kasama rin sa pinasara ng DMW ang Iwa Language Learning Center sa Malolos City, Bulacan matapos magpositibong sangkot din sa iligal na pagre-recruit ng mga Pilipino patungong Japan.
Ayon sa DMW, ginagamit ng mga nasabing language center ang modus operandi ng pag-aalok ng short Japanese language training courses na nagkakahalaga ng ₱15,888.00.
Kinakailangan umanong pumasa ang mga aplikante sa Japanese Language Proficiency Test at Skilled Test at kapag pumasa sila, saka pa lamang sila irerekomenda ng mga language center sa mga partner recruitment agencies sa Maynila para makapagtrabaho sa Japan bilang mga farmer, factory worker, welder, o teacher, na may sahod mula ₱50,000 hanggang ₱70,000.
Ilalagay ng DMW sa kanilang List of Persons and Entities with Derogatory Record ang Aseanway at Iwa Language Center, pati na rin ang mga opisyal ng mga ito.
Sila ay mahaharap din sa kasong illegal recruitment.