
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Executive Order No. 130 na nagtatakda ng bagong patakaran sa suspensyon at pagbabalik ng klase tuwing may kalamidad.
Sa ilalim ng kautusan, hindi lamang mga lokal na pamahalaan ang maaaring magdesisyon sa suspensyon ng klase.
May kapangyarihan na rin ang mismong mga paaralan na magkansela ng klase kung may banta sa kaligtasan ng mga estudyante at guro.
May tatlong paraan ng pagsususpinde ng klase sa ilalim ng EO.
Una, awtomatikong suspendido ang klase kapag may inilabas na babala ang mga kinauukulang ahensiya gaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na pasok sa itinakdang pamantayan.
Ikalawa, maaaring magdeklara ng suspensyon ang mga lokal na pamahalaan sa partikular na mga lugar, barangay o paaralan lamang, depende sa tindi ng panganib.
Ikatlo, maaari ring magpatupad ng sariling suspensyon ang mga paaralan kung may aktuwal o napipintong panganib sa kanilang lugar, basta’t makikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.
Sa ganitong sistema, hindi na kailangang suspendihin ang klase sa buong lungsod o bayan kung ilang lugar lamang ang apektado ng kalamidad.
Tiniyak din sa kautusan na hindi tuluyang hihinto ang pag-aaral kapag suspendido ang face-to-face classes dahil kailangang magpatuloy ang pagkatuto sa pamamagitan ng alternatibong paraan ng pag-aaral kung posible.
Chzianelle Salazar, RMN Manila










