Mga huling isda mula sa WPS, mabibili na rin sa mababang presyo sa ilalim ng Kadiwa program

Bukod sa murang bigas, inaasahang makakabili na rin ang publiko ng murang isda na huli mismo sa West Philippine Sea (WPS) matapos ilunsad ang Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda Program.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pumalaot ang MV Mamamalakaya ng Philippine Coast Guard at ng barko ng Bureau of Fisheries and Acquatic Resources para direktang bumili ng huling isda sa mga mangingisda sa Bajo de Masinloc.

Nasa higit 20 tonelada ng mga sariwang isda ang nabili ng pamahalaan sa 120 mga mangingisda na kumakatawan sa 11 fishing vessels.

Direkta itong ibinagsak sa fish port para mahango at maibenta nang mura sa mga palengke.

Layon ng programa na matulungan ang mga mangingisda na magkaroon na ng matatag na kliyente kasabay ng pagpapanatili ng presensiya ng bansa sa WPS kung saan may karapatang pumalaot ang mga lokal na mangingisda.

Sabi ni Castro, target ng gobyerno na panatilihin ang ganitong sistema hanggang sa 2028, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyakin ang food security ng bansa.

Facebook Comments