Tuesday, April 21, 2026

Ayuda sa food truckers, pinabibilisan ng Malacañang para sa murang biyahe ng pagkain

Nanawagan ang Malacañang sa mga ahensya ng pamahalaan at local government units na bilisan ang pagproseso ng ayuda para sa food truckers upang agad nilang mapakinabangan ang mas mababang toll at port fee na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, kailangang pabilisin ang accreditation sa Department of Agriculture Food Lane Program dahil mahigit isang libo pa lamang ang rehistradong truck sa ngayon.

Malayo ito sa target na mahigit tatlong libong truckers na dati nang kasali sa programa at hinihikayat ngayong mag-renew.

Tinataya ng pamahalaan na makatitipid ang transport sector ng ₱150 milyon hanggang ₱165 milyon kada buwan kung lubos na magagamit ang toll-free privilege.

Hiniling din ni Recto na alisin na ang mga checkpoint ng pulis at LGU sa mga food truck, lalo na ngayong panahon ng anihan, upang mapabilis ang biyahe ng mga pagkaing madaling masira at agad itong makarating sa mga pamilihan.

Nauna na ring ibinaba sa ₱1 ang terminal fee ng mga Ro-Ro mula sa dating umaabot sa ₱500 bilang dagdag ginhawa sa sektor ng transportasyon.

Sa ngayon, tinatayang ₱5 hanggang ₱7 kada kilo ang nadadagdag sa presyo ng pagkain dahil sa gastos sa biyahe, na nais bawasan ng administrasyon para gumaan ang gastos ng mga mamimili.

Facebook Comments