
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging maayos at walang aberya ang paggalaw ng pagkain at mga produktong agrikultura sa gitna ng krisis sa Middle East.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na nya ang mga chiefs of police at mga unit commanders na magsagawa ng security adjustment sa pagpapadaan sa mga truck na may dalang mga pagkain at produktong agrikultura sa mga checkpoints.
Kasunod ito ng mga ulat na ang mga checkpoints umano ang nagpapabagal sa oras ng delivery, nagpapataas at nagdadagdag ng gastos sa transportasyon, lalo na para sa mga produktong madaling masira.
Nabatid na una nang nanawagan kaugnay nito si Executive Secretary Ralph Recto na alisin ang mga hindi kinakailangang checkpoint na nagpapabagal sa biyahe at nagdaragdag sa konsumo ng gasolina.
Ayon kay Nartatez ,magpapatuloy pa rin naman ang mga operasyon sa mga checkpoints para suportahan ang layunin ng pagpapatupad ng batas nang hindi naaantala ang paggalaw ng mga lehitimong kargamento.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ang mga unit ng pulisya na gumamit ng wastong pagpapasya sa mga checkpoint kung saan inaasahang mabalanse nila ang mga prayoridad sa pagpapatupad ng batas at ang pangangailangang mapanatiling matatag ang supply chain.










