
Iminungkahi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Department of Education (DepEd) na repasuhin ang pagpapatupad ng K to 12 program at timbangin kung kaya ng gobyernong patuloy na pondohan.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Cayetano na dapat alamin kung sasapat ang pera ng gobyerno para tuloy tuloy na pondohan at matiyak ang kalidad ng edukasyon sa dalawang taon na idinagdag sa basic education.
Ipinaiimbentaryo ng senador kay Education Secretary Sonny Angara ang mga eskwelahan para makita kung sapat ang mga silid-aralan, may klinika, guidance counselor, covered court, music room at iba pang dapat na pangunahing pasilidad at kailangan sa isang pampublikong paaralan.
Kung lahat aniya ng ito ay tutustusan ay mangangailangan ng dagdag na P200 billion hanggang P500 billion na budget sa edukasyon na ang isang katanungan ay kung saan naman ito kukunin.
Dati na ring isinusulong ng mambabatas ang pagbalik sa K to 10 o kinder hanggang Grade 6 at apat na taon sa high school.
Sinabi ni Cayetano na kung tatanggalin ang isa o dalawang taon sa K to 12 ngayon ay maibabaling ang pondo sa pagpapahusay ng edukasyon kung saan mas maraming classrooms ang maipapagawa, mapapahaba ang oras ng pasok sa eskwela, mapopondohan ang libreng internet sa paaralan at mapapahusay ang pagkatuto ng mga kabataan.










