KAALAMAN AT GABAY PARA SA KABATAAN, HATID NG PROJECT P.A.S.Y.A.K SA 721 ESTUDYANTE SA BAYAMBANG

Sa yugto ng kabataan, maraming tanong, hamon, at desisyong kailangang harapin—mula sa pangangalaga sa sariling kalusugan hanggang sa pakikitungo sa kapwa at pagbuo ng mga responsableng pagpapasya.

Upang mabigyan sila ng sapat na kaalaman at gabay sa pagharap sa mga hamong ito, inilunsad ng Municipal Health Office ng Bayambang, Pangasinan ang Project P.A.S.Y.A.K, na naglalayong palakasin ang kamalayan ng mga kabataan sa kalusugan at kaligtasan.

Umabot sa 721 estudyante ang nakilahok sa programa mula sa 800 target participants. Isinagawa ang mga health promotion activity sa Bayambang National High School at Tococ National High School, kung saan tinalakay ang mahahalagang usapin tulad ng reproductive health, mental health, pag-iwas sa bullying, substance abuse prevention, at pag-iwas sa maagang pagbubuntis.

Bukod sa pagbibigay ng impormasyon, binigyang-pansin din ng programa ang pangangailangan ng mga kabataan sa gabay at suporta.

May 104 na estudyante ang nabigyan ng counseling at psychosocial support upang matulungan silang harapin ang mga personal na hamon at gumawa ng mas responsableng desisyon.

Sa pamamagitan ng Project P.A.S.Y.A.K, hinihikayat ang mga kabataan na kilalanin at igalang ang kanilang mga personal na hangganan, maging maingat sa kanilang mga pagpapasya, at huwag mag-atubiling humingi ng tulong kung kinakailangan.

Dahil ang kabataan ay nasa mahalagang yugto ng paghubog sa kanilang pagkatao, ang pagkakaroon ng tamang impormasyon at sapat na suporta ay maaaring maging gabay sa pagharap sa mga hamon ng buhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments