Arestado ang isang 41 anyos na barangay captain sa Mangaldan, Pangasinan, matapos makumpiska sa kaniyang tahanan ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa pagpapatupad ng search warrant noong October 20, 2026.
Ayon sa Mangaldan Municipal Police Station, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region One o PDEA RO1 kaugnay ng mga pinaghihinalaang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nasamsam sa pagpapatupad ng Search Warrant ang dalawang heat-sealed na plastic sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu, na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 0.28 gramo at tinatayang halagang ₱1,904.
Samantala, walang nakumpiskang ebidensiya sa pagpapatupad ng Search Warrant na may kaugnayan sa pinaghihinalaang paglabag sa batas sa armas.
Isinagawa ang paghalughog sa maayos na paraan sa presensiya ng suspek at mga saksi, kabilang ang isang kinatawan ng media at mga barangay kagawad.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Mangaldan MPS ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso.
Isusumite rin sa kinauukulang forensic unit ang nakumpiskang sangkap para sa pagsusuri sa laboratoryo, habang sasailalim naman sa drug testing ang suspek, alinsunod sa naaangkop na pamamaraan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










