Patuloy ang paghahatid ng mga local registry services sa mga barangay sa Bayambang upang tugunan ang pangangailangan ng mga residente sa tamang dokumento na magagamit sa mga transaksyon.
Kamakailan, dinala sa Brgy. Inirangan ang programa kung saan nasa 11 residente ang sumailalim sa data capture para sa upgraded Community Service Card at tumulong sa mga rekord ng kapanganakan, kasal, at kamatayan ng mga residente.
Ayon sa lokal na pamahalaan, hindi lamang impormasyon ang hatid ng programa kundi pati aktwal na serbisyo kabilang ang late registration ng kapanganakan, kasal, at kamatayan; Birth Registration Assistance Project; pagwawasto ng mga rekord; pagkilala ng ama sa anak at paggamit ng apelyido; legitimation; pagsusumite ng supplemental reports; at aplikasyon para sa Libreng Kasalang Bayan.
Iginiit ng tanggapan ang maayos na civil registration bilang pundasyon ng legal na pagkakakilanlan ng bawat indibidwal at upang makakuha ng iba’t ibang serbisyo mula sa pamahalaan.








