Lumahok ang piling mga 4Ps Supreme Secondary Learner Government (SSLG) Officers at mga anak ng Parent Leaders sa isinagawang Gender and Development (GAD) at Mental Health Training bilang bahagi ng programang naglalayong palawakin ang kanilang kaalaman sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, paggalang sa pagkakaiba-iba, at pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan.
Layunin ng pagsasanay na mahubog ang mga kabataang lider bilang mga responsableng tagapagtaguyod ng positibong pagbabago sa kanilang mga paaralan at komunidad.
Nagkaroon ng talakayan sa batayang konsepto at prinsipyo ng Gender and Development (GAD), kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng gender equality, pantay na oportunidad, at paggalang sa karapatan ng bawat isa.
Pati na sa Understanding SOGIE: Promoting Respect and Inclusion in School, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pag-unawa sa Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression (SOGIE) at Mental Health for Teenage Students, kung saan binigyang-pansin ang pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan ng mga kabataan, tamang pagharap sa stress at emosyon, at ang kahalagahan ng paghingi ng tulong kapag kinakailangan.
Bilang pagkilala sa aktibong pakikilahok ng mga kalahok, namahagi ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng tote bags na may lamang notebook, ballpen, at mug bilang suporta sa patuloy na paglinang ng kakayahan ng mga kabataang lider. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








