LIBRENG EYE SCREENING SA DAGUPAN, ISINULONG PARA MAS MAAGAP NA MATUKOY ANG PROBLEMA SA PANINGIN

Hindi lamang paggamot sa sakit kundi maagang pagtukoy sa mga problema sa paningin ang layunin ng isang health initiative na naglalayong mas mapalapit ang eye care services sa mga Dagupeño.


‎Sa ilalim ng Project Linaw Mata, isasagawa ang libreng eye screening sa August 23, 2026 sa CSI Stadia, bilang bahagi ng paggunita sa Sight Saving Month.


‎Isinasagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng City Health Office, PhilHealth, Tzu Chi Foundation at Siapno-Tada Optical upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Dagupeño na makapagpasuri nang libre, lalo na ang mga maaaring may kondisyon sa mata ngunit walang sapat na kakayahang magpakonsulta.

‎Kabilang sa maaaring sumailalim sa screening ang mga may cataract, pterygium o pogita, problema sa retina, suspected glaucoma, macular degeneration, droopy eyes, at squint o duling sa adults.


‎Magsisimula ang registration alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali. Kinakailangan lamang na magdala ng valid ID.


‎Bukod sa mga adult, nakatuon din ang programa sa mga bata. Ang mga edad 0 hanggang 15 ay maaaring makatanggap ng libreng eye check-up at salamin upang mas maagang matukoy at maagapan ang anumang problema sa kanilang paningin.


‎Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng maagang pagpapatingin, lalo na para sa mga kondisyong maaaring maagapan kung matutukoy sa tamang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments