Makikita ang ilan na nagtampisaw, naghahabulan at paulit-ulit na inilulubog ang kanilang katawan sa tubig, habang tila nag-e-enjoy sa baha na dulot ng mga nagdaang pag-ulan.
May ilang nakatatanda namang sumaway sa mga bata dahil sa panganib na maaaring dala ng tubig-baha.
Hindi kasi matitiyak sa pamamagitan lamang ng pagtingin kung ligtas ang tubig. Maaari itong kontaminado ng basura, dumi, sewage at ihi ng mga hayop, bukod sa mga matutulis na bagay o bukas na kanal na maaaring hindi makita kapag lubog sa baha.
Partikular na binabalaan ang publiko laban sa leptospirosis, isang bacterial infection na maaaring makuha mula sa tubig o lupang kontaminado ng ihi ng infected na hayop, kabilang ang daga.
Mas tumataas ang panganib kapag ang kontaminadong tubig ay nakapasok sa sugat, gasgas, mata, ilong o bibig.
Dahil dito, pinaaalalahanan ang mga magulang at guardians na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at huwag hayaang gawing paliguan o palaruan ang tubig-baha.
Para naman sa mga napilitang lumusong dahil sa paglikas, pagpasok sa trabaho o iba pang mahalagang dahilan, pinapayuhang gumamit ng proteksyon tulad ng bota at agad na maghugas gamit ang sabon at malinis na tubig pagkatapos.
Sa gitna ng pagbaha, hindi lamang lalim at lakas ng agos ng tubig ang dapat bantayan—may mga panganib ding hindi nakikita na maaaring magdulot ng sakit o aksidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







