Pinalalakas pa ang kakayahan ng mga Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at iba pang barangay frontliners sa Asingan upang higit na mapabilis ang pagtugon sa mga insidente at mapanatili ang kaayusan sa mga komunidad.
Nagsimula noong Hulyo 1 ang tatlong araw na BPAT Training sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Asingan at ng Philippine National Police (PNP) na nilahukan ng 150 kalahok na binubuo ng mga BPAT, barangay elected officials, at Barangay Health Workers (BHW).
Ayon sa hanay ng pulisya, mahalagang katuwang ng kapulisan ang mga BPAT dahil sila ang madalas na unang nakapapansin at nakaaalam ng mga pangyayari sa kanilang nasasakupan.
Ipinaliwanag din din na bagama’t boluntaryo ang pagiging miyembro ng BPAT at walang kaakibat na suweldo, mahalaga ang kanilang ambag sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bawat barangay sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat at pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Magpapatuloy ang pagsasanay hanggang ngayong araw, Hulyo 3, kung saan inaasahang mas mapalalakas ang kaalaman at kahandaan ng mga kalahok upang maging mas epektibong katuwang ng lokal na pamahalaan at kapulisan sa pagpapanatili ng ligtas, mapayapa, at maayos na mga barangay sa Asingan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







