Tuesday, July 21, 2026

Automatic pass-through charge sa mga consumers ng kuryente, pina-re-review ng isang senador

Pinarerepaso ni Senator Risa Hontiveros sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang automatic pass-through mechanism sa gitna na rin ng panibagong pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan.

Puna ni Hontiveros, tila hindi na dumadaan sa pagbusisi ng regulator ang dagdag na singil sa mga consumers dahil sa nasabing mekanismong ito.

Giit ng senadora, i-review muna ng ERC ang mga pass-through charges bago mangolekta ng singil ang mga electric firm.

Binigyang-diin ni Hontiveros na kailangang patunayan at ipaliwanag muna ang bawat sentimong sisingilin bago ito ipasa sa consumers.

Kabaligtaran aniya ang sistema ngayon dahil pinagbabayad muna ang taumbayan bago lubusang masuri kung tama at makatwiran ang singil.

Sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act, itinuturing na recoverable costs o nababawing gastusin na regulated ng ERC ang generation, transmission, distribution, at iba pang eligible expenses subalit ang ipinapasang singil sa consumers tulad ng generation costs na dulot ng pagtaas sa presyo ng langis ay otomatikong kinokolekta sa mga consumers.

Facebook Comments