
Ilang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nilunsad ng iba’t ibang grupo ang ‘AGOS: Ang Kalagayan ng Karagatan, Pangisdaan, at mga Pamayanang Baybayin sa Pilipinas’ noong Lunes, July 20.
Layon ng nasabing inisyatiba na ipanawagan sa pangulo na protektahan ang marine ecosystem at biodiversity laban sa polusyon at mga nakakasirang development, sa pamamagitan ng pagpapasa ng panukalang Verde Island Passage, maging ng House Bill No. 5606 o ang Atin ang Kinse Bill, para mas mapalakas umano ang pagprotekta sa 15-kilometer municipal waters maging ang karapatan ng maliliit na mangingisda.
Kasama rin sa agenda ng inisyatiba ay ang ihirit sa pangulo ang pagpapalakas sa produksyon sa pangisdaan, nang sa gayun ay hindi na umano malagay sa alanganin ang food security ng bansa, at para mapanatili ang abot-kayang presyo ng mga isda para sa mga konsyumer.
Giit ng grupo, hindi umano masusukat ang kalagayan ng bansa sa pamamagitan ng economic statistics, bagkus ay kailangan din umanong tingnan kung kumikita pa ba ng sapat ang mga mangingisda, kalagayan ng produksyon sa pangisdaan, at kung kaya pa rin bang maghain ng mga Pilipino ng masusustansyang pagkain.
Samantala, binuo ang nasabing inisyatiba ng iba’t ibang grupo ng mga mangingisda, civil society groups, at environmental advocates mula sa iba’t ibang panig ng bansa, na nagtipon-tipon noong Lunes, July 20 para talakayin ang mga problemang kinahaharap ng mga mangingisda.
Gaya ng food security, mataas na cost of living, climate change, at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na lubha umanong nakaaapekto sa kanilang kabuhayan, hanggang sa mga konsyumer.










