KAKALSADAHAN SA AB FERNANDEZ HANGGANG DOWNTOWN, HINDI MADAANAN KAHAPON, AGOSTO 11 NG ILANG MGA SASAKYAN DAHIL SA BAHA

Hirap ngayon ang mga nasa sektor ng transportasyon na ilusong ang kanilang mga sasakyan dahil sa pagbaha dulot ng habagat.

Nanatili ang mataas na tubig-baha sa ilang bahagi ng Dagupan City, partikular sa AB Fernandez Avenue patungong downtown area, dahil sa patuloy na epekto ng Habagat at mataas na lebel ng mga ilog.

Dahil hindi na madaanan ng karamihan ng sasakyan ang bahaging ito, napipilitang iparada ng ilang motorista ang kanilang mga sasakyan sa Quintos Bridge. Ang ilan ay dumadaan na lamang sa Herrero Street bilang alternatibong ruta patungo sa kanilang destinasyon.

Sa ilang bahagi ng AB Fernandez Avenue hanggang downtown area, bangka at kuliglig na ang mga sasakyang nakakadaan nang mas maayos dahil sa lalim ng baha.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, ibinahagi ni Roberto, isang tricycle driver, ang kanyang pangamba sa paggamit ng kanyang tricycle sa baha dahil ito ang kanyang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.

Samantala, sa pag-iikot ng IFM News Team sa downtown area, kapansin-pansin ang ilang motorista na napilitang umatras at mag-U-turn dahil hindi na kinaya ng kanilang mga sasakyan ang lalim ng baha, kabilang ang isang sasakyan sa Burgos Street.

May ilan ding truck na tumirik, habang ilang tricycle at motorsiklo naman ang pilit na tinatawid at tinutulak ang kanilang mga sasakyan malampasan lang ang baha.

Dahil dito, marami sa mga motorista ang naghahanap ng mga alternatibong ruta kahit mas mahaba ang kanilang biyahe.

Para sa kanila, mas mahalagang mapanatiling ligtas ang kanilang mga sasakyan at makarating sa kanilang destinasyon nang hindi nalalagay sa panganib ang kanilang buhay.

Patuloy namang pinapayuhan ang mga motorista na iwasang piliting tawirin ang mga bahaging malalim ang baha, lalo na kung hindi tiyak ang kondisyon ng kalsada, upang maiwasan ang pagkasira ng sasakyan at posibleng aksidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments