Iniimbestigahan na ng Dagupan City Police Office ang panibagong insidente ng pagnanakaw matapos pasukin ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki ang isang malaking bahay sa Barangay Boquig, Dagupan City madaling araw ngayong Agosto 12.
Batay sa paunang impormasyon, nangyari ang insidente sa pagitan ng pasado ala-una hanggang alas-dos ng madaling araw. Nakunan umano ng CCTV ang tatlong lalaki habang pumapasok sa bahay sa pamamagitan ng isang makipot na bintana sa comfort room.
Matapos makapasok, hinalughog umano ng mga suspek ang ilang bahagi ng bahay at kumuha ng iba’t ibang gamit.
Nasa abroad ang may-ari ng bahay at isang katiwala lamang ang naroon nang mangyari ang insidente.
Sa inisyal na pahayag ng katiwala, kabilang umano sa mga nawawala ang ilang alahas at imported na alak. Gayunman, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kumpletong listahan ng mga ninakaw at ang kabuuang halaga ng mga ito.
Nai-blotter na sa pulisya ang insidente at nagpapatuloy ang imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri sa mga kuha ng CCTV na maaaring makatulong sa pagkakakilanlan at pagtunton sa tatlong suspek.
Nagdulot naman ng pangamba ang insidente sa ilang residente ng Barangay Boquig, lalo’t nagawa umanong makapasok ng mga kawatan sa isang bahay sa madaling araw.
Dahil dito, nananawagan ang ilang residente sa mga kinauukulan na paigtingin ang police visibility at pagpapatrolya, partikular sa mga residential area at sa mga oras ng madaling araw.
Patuloy namang hinihintay ang opisyal na resulta ng imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang pagkakakilanlan sa mga suspek at eksaktong halaga ng mga ari-ariang tinangay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










