
Umapela sina Senator Christopher “Bong” Go at Senator Robinhood Padilla na linawin kung ano ang listahan ng mga proyekto na sinasabing isinumite nila sa Department Of Public Works and Highways (DPWH).
Ito’y kaugnay sa alegasyon ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na nagsumite ng listahan ng mga infrastructure projects ang mga nabanggit na mambabatas kung saan may P500 million na alokasyon pa sa bawat senador.
Ayon kay Go, linawin kung anong listahan ang tinutukoy dahil siguradong wala siyang ipinasang listahan ng mga proyekto kay dating DPWH Usec. Roberto Bernardo na mula sa kanyang opisina.
Depensa ng senador, natural lang na magkaroon ng koordinasyon at komunikasyon ang lehislatura at ehekutibo partikular sa pagbabantay ng tamang implementasyon ng mga proyekto lalo’t madalas din niyang kinakalampag ang mga departamento kapag may mga hinaing, hiling o report sa mga proyekto mula sa mga malalayong lugar.
Nanawagan naman si Padilla na kumpletuhin ang report dahil nabanggit ang kanilang pangalan subalit hindi nilinaw na ito ay “for later release”.










