Nagpulong ang lokal na pamahalaan ng Dagupan City kasama ang ilang unibersidad at paaralan upang pag-usapan ang kakulangan sa reading proficiency at literacy ng ilang kabataang mag-aaral, partikular sa antas ng day care.
Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan mula sa University of Luzon, Pangasinan Merchant Marine Academy o PAMMA, at Lyceum Northwestern University, kasama sina City Secretary Ryan Ravanzo at Day Care at SPED Teacher na si Jessamie Meneses.
Ayon sa LGU, layunin ng naturang hakbang na makahanap ng mas epektibong paraan upang matulungan ang mga batang nahihirapang magbasa at makaunawa.
Isa sa mga napag-usapan ang planong paglalagay ng smart televisions sa child development centers bilang karagdagang learning tool.
Gayunman, ayon sa ilang educators, mahalaga ring matutukan ang reading intervention, sapat na learning materials, at aktibong partisipasyon ng mga magulang upang masolusyunan ang mababang antas ng literacy ng mga bata. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











