
Sugatan ang mag-asawang senior citizen matapos silang mabangga ng isang delivery rider sa Villasis–Malasiqui Road sa Brgy. Unzad, Villasis, Pangasinan, gabi ng Hunyo 9.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya at kuhang CCTV, kapwa patungong silangan ang dalawang motorsiklo nang mangyari ang insidente. Nauuna ang motorsiklong minamaneho ng 67-anyos na senior citizen kasama ang kanyang 68-anyos na asawa nang bigla itong bumagal sa bahagi ng kalsada.
Dito na umano sumalpok mula sa likuran ang motorsiklong minamaneho ng isang 26-anyos na delivery rider na pinaniniwalaang nakainom ng alak.
Dahil sa lakas ng banggaan, nagtamo ng mga pinsala ang tatlong sangkot at agad isinugod sa pagamutan sakay ng ambulansya. Ayon sa pulisya, nasa matatag nang kondisyon ang mga ito.
Ayon sa pulisya, natuklasan na ang senior citizen na nagmamaneho ay walang lisensya at hindi nakasuot ng helmet, habang ang delivery rider naman ay hindi rin nakasuot ng helmet at reflectorized vest nang mangyari ang insidente.
Pansamantalang nasa kustodiya ng barangay ang dalawang nasirang motorsiklo habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










