
Iniulat ng Police Regional Office 1 (PRO 1) na bumaba ang bilang ng mga naitalang krimen sa Ilocos Region kasabay ng patuloy na paghina ng suporta sa mga grupong may kaugnayan sa insurhensiya sa rehiyon.
Ayon sa PRO 1, umabot lamang sa 78 insidente ng krimen ang naitala noong Mayo 2026, mas mababa ng 16 porsiyento kumpara sa 93 kaso noong Abril.
Iniuugnay ng pulisya ang pagbaba ng krimen sa pinaigting na law enforcement operations, mas mataas na police visibility, at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Enhanced A.L.E.R.T.O. Framework. Nakatulong din umano ang intelligence-driven operations at target na pagdeploy ng mga pulis upang mabawasan ang walong pangunahing uri ng krimen sa rehiyon.
Kasabay nito, naitala rin ng PRO 1 ang siyam na tagumpay sa kanilang kampanya kontra-insurhensiya mula Hunyo 1 hanggang 7, 2026. Kabilang dito ang pag-atras ng suporta ng limang dating tagasuporta ng Communist Terrorist Group (CTG) at ang boluntaryong pagsuko ng apat na dating miyembro ng mga Communist Front Organizations (CFOs).
Ayon sa pulisya, patunay ito ng patuloy na paghina ng suporta sa mga grupong may kaugnayan sa insurhensiya dahil sa mas pinaigting na pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, intelligence-driven operations, at whole-of-nation approach ng pamahalaan para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Sinabi ng PRO 1 na ang mga pagbabagong ito ay nagpapakita ng patuloy na pagbuti ng sitwasyon ng seguridad sa Ilocos Region. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










