Monday, June 8, 2026

Mga empleyado ng Senado, umalma na sa pagkakaipit sa tensyon sa Mataas na Kapulungan

Nanawagan ang unyon ng mga empleyado sa Senado sa mga senador, mga opisyal at stakeholders na igalang ang professionalism at dignidad ng mga kawani sa Mataas na Kapulungan.

Kaugnay ito sa pagkaka-ipit naman ngayon ng mga Senate employees sa pagitan ng Cayetano at Gatchalian bloc at sa iba pang mga nangyaring tensyon sa Senado mula noong May 11 nang magpakita ulit ang nagtatago ngayong si Senator Ronald “Bato” dela Rosa hanggang sa May 13 shooting incident.

Sa pahayag na inilabas ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (S.E.N.A.D.O), binigyang-diin nila na ang mga Senate employees ay sumusunod hindi sa political loyalties kundi sa batas, sa kanilang tungkulin at sa serbisyo publiko.

Sa kabila ng kawalan ng kasiguraduhan sa mga nangyayari sa Senado, nagagampanan pa rin nila ang kanilang mga tungkulin subalit hindi naman dapat ang mga empleyado ang sumalo ng galit sa mga bagay na wala silang kontrol at hindi ang mga empleyado ang maging collateral damage sa away sa politika na wala naman silang kinalaman.

Nabahala rin ang mga empleyado sa banta na kakaharapin matapos na tumulong ang ilan sa Blue Ribbon Committee hearing noong June 4.

Giit pa ng unyon, hindi na nila malaman kung kaninong direktiba, work arrangements at protocols ba ang kanilang susundin at ito ay nagdulot na ng stress at anxiety sa mga nagtatrabaho sa Senado.

Tiniyak naman ng mga empleyado ang patuloy na pagganap sa kanilang tungkulin at mananatiling tapat at committed sa pagsisilbi sa mga Pilipino.

Facebook Comments