KALIGTASAN AT MAKABAGONG EDUKASYON, SENTRO NG LOCAL SCHOOL BOARD MEETING SA DAGUPAN

Tinalakay ng Local School Board (LSB) ng Dagupan City ang mga programang magpapalakas sa kalidad ng edukasyon at magtitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa isinagawang pulong noong Hulyo 29.

Nakiisa sa pulong si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III, na nagbahagi ng kanyang pananaw hinggil sa epektibong disiplina para sa mga bata at sa kahalagahan ng sama-samang pagtutulungan upang mapabuti ang sektor ng edukasyon.

Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang pagpapalawak ng SAFEnet Advocacy, pagpapalakas ng literacy programs, rhythm and dance initiatives, pagpapabuti ng school infrastructure, pagpapaunlad ng robotics education, at pagpapatupad ng 21st Century Learning Environment Model (CLEM).

Isa rin sa mga iminungkahing hakbang ang paglalagay ng metal detectors sa iba’t ibang paaralan upang higit na mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral at maiwasan ang anumang panganib sa loob ng mga paaralan.

Ayon sa mga kalahok sa pulong, inaasahan ang pagpapatuloy ng mga programang magpapahusay sa sistema ng edukasyon sa lungsod habang binibigyang prayoridad ang kapakanan at seguridad ng bawat mag-aaral. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments