Thursday, October 22, 2026

Kita na maaaring mawala sa agrikultura dahil sa super El Niño, tinatayang aabot sa P20 billion; 4.6 million mga magsasaka at mangingisda, apektado

Posibleng umabot sa P20 billion ang maaaring mawala sa sektor ng agrikultura at 4.6 million na mga magsasaka at mangingisda ang maaapektuhan dahil sa inaasahang Super El Niño.

Sa budget hearing ng Department of Agriculture sa Senado, ibinabala ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na isang milyong metrikong tonelada ang mawawalang produksyon habang 350,000 ektarya ng lupain ang maaapektuhan ng matinding tagtuyot.

Inaasahang tatama ang pinakamalakas na epekto ng El Niño sa Enero hanggang Abril ng susunod na taon.

Kabilang sa mga solusyon na ginagawa ng ahensya ang paglalagay ng solar-powered irrigation systems, pagbibigay ng fertilizer at seed assistance, pagpapalawak ng maliliit na imbakan ng tubig at paggamit ng solar-powered paddle wheels na makakatulong sa mga magsasaka at mangingisda.

Mayroon namang inihandang P10 billion na Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk para sa direktang ayuda sa mga apektadong magsasaka at mangingisda at nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa mga ahensya para mapag-sama-sama ang mga programa at pondo para sa cash assistance, food packs, at pansamantalang trabaho.

Facebook Comments