Wednesday, July 29, 2026

KALUSUGAN NG MGA BATA, NASA KAMAY NG KOMUNIDAD – DOH ILOCOS

‎Hinikayat ng Department of Health (DOH) Ilocos Center for Health Development ang aktibong pakikilahok ng mga magulang, paaralan, at komunidad sa pagpapanatili ng kalusugan ng mga bata upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit tulad ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD).

‎Sa ginanap na Kapihan sa Ilocos na inorganisa ng Philippine Information Agency (PIA) noong July 23, binigyang-diin ng mga opisyal ng DOH na hindi lamang nakasalalay sa mga health worker ang pag-iwas sa sakit, kundi kailangan ang sama-samang pagkilos ng bawat sektor ng lipunan.


‎Ayon sa DOH, malaking bahagi ng proteksiyon laban sa HFMD at iba pang impeksiyon ang pagsunod sa simpleng mga gawi tulad ng wastong paghuhugas ng kamay, pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran, pagmamasid sa mga sintomas ng sakit, at agarang pagpapakonsulta kapag kinakailangan.

‎Ipinaalala rin ng ahensya sa mga magulang at tagapag-alaga na bantayan ang mga senyales ng HFMD upang agad na maagapan ang posibleng paglala ng kondisyon at maiwasan ang pagkalat nito sa mga paaralan at komunidad.

‎Binigyang-diin ng mga opisyal na ang paglikha ng ligtas at malusog na kapaligiran para sa mga bata ay nangangailangan ng koordinasyon ng mga pamilya, paaralan, lokal na pamahalaan, healthcare workers, at iba pang katuwang sa komunidad.


‎Sa pagpapatuloy ng mga kampanya sa pag-iwas sa sakit at promosyon ng kalusugan, layunin ng DOH Ilocos na mapalakas ang kamalayan ng publiko at matiyak na ang bawat bata ay may mas ligtas na kapaligiran upang lumaki nang malusog at protektado laban sa mga sakit na maaaring maiwasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments