NAGSAGAWA ang lokal na pamahalaan ng San Carlos City ng Drowning Prevention Symposium noong Mayo 22, 2026 bilang bahagi ng kampanya para sa kaligtasan sa mga anyong-tubig at pag-iwas sa insidente ng pagkalunod.
Dinaluhan ito ng mga estudyante mula sa Binalatongan Community College kung saan tinalakay ang mga pangunahing kaalaman sa water safety, pag-iwas sa aksidente sa tubig, at tamang pagtugon sa mga emergency na may kaugnayan sa pagkalunod.
Sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, isinagawa ang aktibidad katuwang ang Surf Life Saving Philippines (SLSP) Team na nagbahagi ng kaalaman sa basic rescue techniques at life-saving procedures.
Nagkaroon din ng mga demonstrasyon at paliwanag hinggil sa wastong pagresponde sa mga insidente sa tubig at pagpapalakas ng kahandaan ng mga kabataan sa oras ng sakuna.
Layunin ng programa na itaas ang kamalayan ng komunidad sa panganib ng pagkalunod at palakasin ang kahandaan upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng pagkawala ng buhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











