Nakikiisa ang buong House of Representatives sa pagpanaw ni Pope Francis na ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay huwaran ng pagmamalasakit at kababaang-loob na naghatid ng kagalingan at pag-asa sa milyon-milyong tao sa buong mundo, lalo na sa mga Pilipino.
Hindi rin malilimutan ni Romualdez ang pagbisita ni Pope Francis o Lolo Kiko para sa mga Pilipino sa Tacloban matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda.
Sinegundahan ito ni TINGOG Party-list Representative Jude Acidre sa pagsasabing ang personal na pakikiramay ni Pope Francis sa mga nagdurusang biktima ng Bagyong Yolanda ay isang malaking blessing kaya hindi lang siya Santo Papa kundi maituturing na ama na palaging handang kalingain ang kaniyang mga anak.
Pinuri naman ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda, ang paglaban ni Pope Francis sa matinding epekto ng climate change at umaasa siyang itutuloy ito ng susunod na Santo Papa.
Inalala naman ni Agri Party-list Representative Wilbert Lee ang pagbisita noon sa Pilipinas ni Pope Francis na nagbigay lakas at pag-asa sa ating mga kababayan, lalo na ang dumadaan sa matinding pagsubok para bumangon at patuloy na manalig sa Panginoon.
Nagpahayag naman ng paghanga si Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera sa pagsusulong ni Pope Francis sa karapatang pantao at kagandahang asal gayundin sa pagkalinga sa mga higit na nangangailangan, pagiging mabuti, malawak ang pag-iisip at praktikal.
Para naman kay Manila 3rd District Representative Joel Chua, isang malaking kawalan si Pope Francis na tumutok sa reporma at nagsikap para maging balwarte ng kabutihan, pagmamahal, awa at malasakit ang simbahan.
Kinila naman ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto-Adiong ang pagsisilbing tulay ni Pope Francis sa pagitan ng mga Muslim at Kristyano at ang pakikiramay nito sa mga naaapi tulad ng mga Palestinian people.