Ikinabahala nina House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga at Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ng Quezon ang umano’y mga pekeng social media accounts na nagtatanggol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Para kina Gonzales at Suarez, ang naturang mga fake account ay maituturing na banta sa mga botante at sa demokrasya dahil minamanipula nito ang mga isyu na maaaring makaapekto sa resulta ng 2025 Midterm Elections.
Bunsod nito ay nanawagan si Gonzales ng isang pambansang hakbang para protektahan ang mga botante mula sa digital deception sa pamamagitan ng magkakatuwang na paglulunsad ng mga kaukulang ahensiya ng gobyerno ng National Digital Literacy Program laban sa mga disinformation campaign.
Nanawagan naman si Suarez sa mga malalaking social media platform tulad ng Meta, X (dating Twitter), at YouTube na agad na kumilos at seryosong harapin ang problema ng mga fake account na sabay-sabay na nagpapakalat ng disinformation.