
Nilinaw ng House of Representatives na hindi nito pinapatawag ang Chief Executive Officer ng META na si Mark Zuckerberg para humarap sana sa deliberasyon sa plenaryo ng panukalang 2027 national budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa plenaryo ay humiling ng paglilinaw si House Majority Leader and Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos mula kay House Committee on Appropriations Vice Chairman at Panday Bayanihan Party-list Rep, Brian Poe na siyang sponsor ng pondo ng DICT.
Binigyang diin naman ni Poe na hindi pinatawag ng Kamara ang META o si Zuckerberg at wala ding resolusyon na nakahain hinggil dito.
Ayon kay Poe, naglabas na rin ng paglilinaw at humingi ng paumanhin si DICT Secretary Henry Aguda kaugnay post ng ahensya noong Setyembre 17 na nagsabing ipinatawag umano ng Kamara si Zuckerberg kaugnay sa isyu ng social media safety.
Sabi ni Poe, ang naturang post ay binura na rin ng DICT.










