Pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) Bayambang Fire Station ang kampanya at operasyon kontra grass fire kasabay ng sunod-sunod na insidente ng sunog sa damuhan na naitatala sa bayan dahil sa matinding init ng panahon.
Ayon sa BFP, kabilang sa mga posibleng sanhi ng grass fire ang pagsusunog ng tuyong damo at basura, pagtatapon ng upos ng sigarilyo, at kaingin.
Babala ng ahensya, mabilis kumalat ang apoy sa ganitong kondisyon na maaaring magdulot ng pinsala sa kalikasan, kapaligiran, at mga kalapit na komunidad.
Dahil dito, pinalakas pa ng BFP ang koordinasyon sa lokal na pamahalaan upang mapigilan ang iligal na pagsusunog at mapalawak ang information drive sa mga barangay hinggil sa pag-iwas sa grass fire incidents.
Hinikayat din ng BFP ang publiko na agad ireport ang anumang makikitang usok o apoy upang maagapan ito bago pa lumaki at magdulot ng mas malawak na pinsala.
Facebook Comments










