
Hiniling na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na isailalim sa hold departure order si Sen. Jinggoy Estrada at iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH na kinasuhan ng plunder at graft kaugnay ng umano’y flood control kickback scheme.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang kaso laban kay Estrada ay may kaugnayan sa umano’y illegal budgetary insertions at project allocations sa infrastructure portfolio ng DPWH para sa Fiscal Year 2025.
Batay sa reklamo, tumanggap umano si Estrada ng P573 milyon mula sa flood control kickback scheme.
Kabilang sa mga kinasuhan sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, Assistant District Engineer Denryl Caesar S. Cortuna, at District Engineers Manny B. Bulusan at Arturo L. Gonzales Jr.
Nagbigay-linaw din si Clavano hinggil sa ilang orihinal na inirereklamo sa kaso.
Aniya, inalis na nila sa listahan ng mga kinasuhan si DPWH Undersecretary Maria Catalina “Cathy” E. Cabral dahil pumanaw na ito.
Inalis din sa kaso sina DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo, dating NCR Regional Director Gerard P. Opulencia, at dating Bulacan 1st District Engineer Henry C. Alcantara matapos silang pormal na maging testigo sa kaso.
Walang piyansang inirekomenda ang Ombudsman para sa mga akusado.
Hinihintay na lamang ang pagra-raffle ng kaso.
Kapag nakakita ng sapat na batayan ang Sandiganbayan, maaari itong maglabas ng arrest warrant laban kay Estrada at iba pang akusado.
Nang tanungin si Clavano kung maaari umanong humingi ng proteksiyon sa Senado si Estrada sakaling magpalabas ng arrest warrant ang korte, tumanggi na itong magkomento.










