
Nanindigan ang kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na walang batayan para ito ay kasuhan ng Ombudsman kaugnay sa maanomalyang flood control projects dahil walang credible witness laban dito.
Pahayag ito ng abogado at tagapagsalita ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo makaraang bumaligtad o magbawi ng naunang sinumpaang salaysay ang 32 mga dating testigo kasama ang star witness na si Orly Guteza.
Diin ni Fajardo, binawi na ng nabanggit na mga testigo ang kanilang alegasyon kay Romualdez kaya hinihiling nila sa tanggapan ng Ombudsman na ibasura ang mga reklamo laban kay Romualdez.
Giit ni Fajardo, hanggang ngayon ay wala pa ring testigo na direktang nagsasangkot kay Romualdez sa flood control scam at umano’y mga delivery ng kickbacks.
Ayon kay Fajardo, kahit si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan o sinumang district o assistant engineer o kahit sinong personnel on-ground at contractor ay hindi naman itinuturo si Romualdez na may kinalaman sa alinmang proyekto tungkol sa flood control.










