
Wala pang plano ang pamahalaan na ipagbawal ang Facebook sa ngayon, pero posibleng higpitan ang ibang social media platforms na hindi sumusunod sa mga kahilingan ng mga awtoridad.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakikipagtulungan ang Facebook sa gobyerno sa pagtanggal ng mga post na may karahasan at maling impormasyon.
Patuloy ring pinag-aaralan ng Malacañang ang mga regulasyon para maprotektahan ang publiko, lalo na ang mga bata, laban sa mapanganib na content sa social media at gaming platforms.
Samantala, makikipag-usap si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda sa Facebook sa Singapore para mapabilis ang pagtugon nito sa mga kahilingan ng gobyerno.
Layunin ng pamahalaan na magpatupad ng mas malinaw na rules na sasaklaw sa lahat ng social media platforms.










