
Nananawagan si House Deputy Minority Leader Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palayasin na ang Chinese Ambassador sa ating bansa.
Giit ito ni Cendaña kasunod ng pag-atake ng mga miyembro ng Chinese Coast Guard sa mga tauhan ng Philippine Navy na nakatalaga sa Ayungin Shoal kung saan ang isa ay hinampas pa nila sa ulo.
Ayon kay Cendaña, dapat nating ipakita sa China na hindi natin palalampasin ang kanilang hindi makataong asal at patuloy na pang-aalipusta sa ating mga kababayan.
Diin ni Cendaña, hindi na umuubra at hindi pinapansin ng China ang madalas na pag-iisyu natin ng diplomatic protests.
Paliwanag ni Cendaña, kahit anong written protests ay hindi na magbabago pa ang masamang gawain ng Chinese government laban sa mga Pilipino.
Umaasa naman si Cendaña na ang insidente ay magsisilbi ring paalala sa ating House leadership na bigyan ng agaran at sapat na suporta ang lahat ng ating frontliners na nagbibigay proteksyon sa ating teritoryo pangunahin ang West Philippine Sea.










