Saturday, July 25, 2026

Palasyo, iginiit ang mahigpit na polisiya ng Pilipinas kontra forced labor sa gitna ng bagong taripang ipinataw ng US

Iginiit ng Malacañang na mahigpit ang polisiya ng Pilipinas laban sa forced labor kasunod ng planong pagpapataw ng Estados Unidos ng mas mataas na taripa sa mga inaangkat na produkto mula sa 60 trading partners, kabilang ang Pilipinas.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ipinaalam ng Pilipinas sa US na may matibay itong patakaran laban sa forced labor at iginagalang nito ang ginagawang pagsusuri ng Washington.

Sinabi rin ni Castro na nilagdaan nitong Huwebes ang Joint Administrative Order na magpapatibay sa pagpigil sa pagpasok ng mga produktong gawa sa pamamagitan ng forced labor.

Ipinagbabawal ng kautusan ang pag-aangkat ng mga produktong may kaugnayan sa forced labor at nagtatakda ng malinaw na proseso sa inspeksyon ng mga shipment.

Dagdag ni Castro, magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa Estados Unidos habang sinusuri ang mga exemption at ang posibleng epekto ng bagong taripa sa mga produktong iniluluwas ng bansa.

Facebook Comments