
Nagpasalamat si Paraguay President Santiago Peña Palacios sa mainit na pagtanggap ng Pilipinas sa dalawang araw na state visit ng kanilang delegasyon sa Maynila.
Sa bilateral meeting kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Palacios na mahalagang hakbang ang kanyang pagbisita upang mas mapalalim pa ang relasyon ng Paraguay at Pilipinas, lalo’t ito ang unang pagkakataon na bumisita sa bansa ang isang pangulo ng Paraguay.
Ayon kay Palacios, may pagkakataon ang dalawang bansa na mapalawak pa ang kooperasyon sa kalakalan, ekonomiya at regional partnership. Dagdag pa niya, handa rin ang Paraguay na palakasin ang ugnayan nito sa Southeast Asia.
Binanggit din nito na kasalukuyang hawak ng kanilang bansa ang Pro Tempore Presidency ng MERCOSUR, ang trade bloc sa South America, habang chair naman ng ASEAN ang Pilipinas ngayong taon.
Magandang oportunidad aniya ito upang mas mapalapit ang ugnayan ng Southeast Asia at South America, at mapalawak ang usapin sa kalakalan at iba pang kooperasyon na kapaki-pakinabang sa dalawang rehiyon.
Sinabi rin ni Palacios na interesado ang Paraguay na mas mapalalim ang relasyon nito sa ASEAN, kabilang ang planong paglahok sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia.










