Monday, May 11, 2026

Visa-free agreement ng Pilipinas at Paraguay para sa ordinary passport holder, pirmado na

Sinaksihan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Paraguay President Santiago Peña Palacios sa paglagda ng mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Paraguay matapos ang bilateral meeting sa Malacañang.

Kasabay ito ng makasaysayang pagbisita ni Peña Palacios sa bansa, ang kauna-unahang state visit ng isang pangulo ng Paraguay sa Pilipinas.

Ayon kay Pangulong Marcos, kabilang sa mga nilagdaan ang memorandum of understanding sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Ministry of Foreign Affairs ng Paraguay para sa kooperasyon sa diplomatic training, skills development, information exchange at academic projects.

Pinagtibay rin ng dalawang bansa ang visa-free entry para sa mga may hawak ng ordinary passports ng Pilipinas at Paraguay upang mapalakas ang turismo, negosyo at palitan ng mamamayan.

Sinabi naman ni Peña Palacios, nakikita ng Paraguay ang Pilipinas bilang mahalagang gateway sa Southeast Asia habang target ding palawakin ang ugnayan nito sa ASEAN.

Napag-usapan din ng dalawang lider ang pagpapalawak ng kooperasyon sa kalakalan, food security, renewable energy at regional connectivity.

Yan ang magkasunurang pahayag nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Paraguay President Santiago Peña Palacios.

Facebook Comments