
Umaasa ang kampo ni Vice President Sara Duterte na sa huli ay maibabasura ng Senate impeachment court ang impeachment case laban sa bise.
Ngayong hapon ay isinumite na ng kampo ng bise presidente sa pangunguna ng legal counsel nitong si Atty. Michael Poa ang sagot ni VP Sara sa articles of impeachment na inihain laban sa kanya ng Kamara.
Bitbit ng mga ito ang limang maliliit na itim na maleta na naglalaman ng mga sagot at annexes ng bise presidente.
Sa pulong balitaan ay humarap si Poa at ang limang legal counsel ng depensa at sinabi isa sa prayer ng sagot ng bise ang ma-dismiss ang impeachment case.
Nakapaloob sa sagot ang pagtutol ng depensa sa mga ebidensya laban sa Vice President na ngayon lamang lumalabas.
Gayunman, anuman ang mangyari ay handa silang ipagtanggol si VP Duterte.
Kumpyansa rin ang depensa na sa huli ay not guilty ang magiging hatol ng impeachment court dahil wala namang nagawang impeachable offense ang pangalawang pangulo ng bansa.
Posible naman ang pagharap ni VP Duterte sa impeachment trial pero ito ay depende pa rin sa itatakbo ng proceedings.










