Thursday, November 5, 2026

DOH, muling hinikayat ang publiko na magpakonsulta agad kapag may sintomas ng dengue

Muling hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag balewalain ang anumang sintomas ng dengue.

Ito’y bunsod ng tumataas na bilang ng mga tinatamaan ng sakit mula sa kagat ng lamok.

Kabilang sa mga sintomas na ito ang lagnat, pananakit ng katawan o kalamnan, panghihina, pagsusuka, pagdurugo ng gilagid o ilong, at rashes sa katawan.

Ayon sa DOH, layon ng maagang konsultasyon sa health center o facility na maiwasan ang malubhang komplikasyon mula sa dengue na maaaring magdulot ng pagkamatay.

Hinimok din ang publiko na sundin ang 4Ts o taob, taktak, tuyo, at takip upang maiwasan ang pagdami ng lamok at makatulong sa pag-iwas sa dengue.

Matatandaan na sa lungsod ng Maynila, batay sa datos ng Manila Health Department, umabot na sa 4,579 ang tinamaan ng sakit ngayong taon, kung saan 13 ang nasawi.

Dahil dito, puspusan ang Manila LGU sa pagsusulong ng paglilinis at pagpapatingin sa doktor ng mga posibleng kaso ng dengue.

Facebook Comments