Thursday, November 5, 2026

Suportang pinansyal para sa mga MSME at mga magsasaka ngayong may El Niño, ipinahahanda na sa gobyerno

Pinaghahanda ng Senado ang pamahalaan sa pagbibigay ng agarang suportang pinansyal para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) at sa sektor ng agrikultura sa gitna ng inaasahang pagbagal ng pag-usad ng ekonomiya.

Tinukoy ni Senate President Sherwin Gatchalian na bukod sa mataas na interes sa pagpapautang na maaaring makaapekto sa kabuhayan, ilan pa sa posibleng dahilan ng pagbagal ng ekonomiya ang matinding epekto ng Super El Niño, mataas na inflation rate mula sa mataas na presyo ng produktong petrolyo at tensyon sa Gitnang Silangan, at pagbagsak ng kumpiyansa ng mga investor dahil sa isyu ng katiwalian sa pamahalaan.

Idiniin ni Gatchalian na ayaw nila na marami sa mga kababayan ang mawawalan ng trabaho dahil lalo pang tataas ang unemployment rate sa bansa.

Kabilang sa suportang maaaring ibigay sa mga maliliit na negosyo at mga magsasaka ang soft loan na may mas mababang interes, kasunod na rin ng desisyon ng Bangko Sentral na itaas ang interest rate sa 50 basis points.

Sinabi pa ng Senate President na kailangang manguna sa pagsuporta ang gobyerno at hindi puwedeng pabayaan ang pribadong sektor, lalo na sa panahon na mabagal ang pag-usad ng ekonomiya.

Facebook Comments