Wednesday, October 14, 2026

Kampo ni VP Sara, kinuwestiyon ang pag-atras ng tatlong articles of impeachment

Kinuwestiyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang naging desisyon ng prosecution panel na bawiin ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment na isinampa laban sa Bise Presidente.

Sa pahayag ni Vice Presidential Spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr., sinabi nitong umabot umano sa dalawampung trial days ang ginugol sa pagtalakay sa Article I na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at Article IV na tumutukoy sa grave threats.

Ayon kay Panelo, malaking halaga ng pondo ng bayan ang nagamit sa naturang mga pagdinig, bukod pa umano sa gastos sa House of Representatives, mga abogado, consultant, media, at iba pang gastusin na aniya’y may kaugnayan sa impeachment proceedings.

Iginiit din niya na ang pag-atras ng mga naturang Articles of Impeachment ay nagpapakita umano na walang sapat na batayan ang mga alegasyon mula sa simula. Aniya, naagawan din umano ng pagkakataon si Vice President Duterte na sagutin ang mga akusasyon at maiprisinta ang kanyang ebidensya sa Senate Impeachment Court.

Hinimok din ni Panelo ang Senado na panagutin umano ang mga responsable sa naging gastos at tinanong kung bakit wala umanong naging pagtutol mula sa mayorya ng mga senador kaugnay ng pag-atras ng mga kaso.

Sa ngayon, nananatili ang natitirang Article of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, at nasa kapasyahan pa rin ng Senate Impeachment Court ang magiging resulta ng paglilitis batay sa mga ihaharap na ebidensya at sa umiiral na batas.

Facebook Comments