Tuesday, September 15, 2026

Kapitan ng nasunog na M/V June Aster, lumutang na

COURTESY: Philippine Coast Guard

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na lumutang na ang kapitan ng nasunog na barko na M/V June Aster sa Palawan.

Ayon sa PCG, boluntaryong nagpakita si Captain Roel Sarmiento sa tanggapan ng Atienza Interisland Ferries Inc. sa Palawan kahapon.

Kasunod nito, agad itong ipinaalam sa Emergency Operations Center kung saan sinamahan siya ng HR General ng naturang kompanya ng ferries.

Sabi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nakatakdang kausapin si Sarmiento ng mga imbestigador kaugnay sa insidente.

Kabilang dito ang kung nasaan siya matapos masunog ang barko at ang mga nangyari bago ang kaniyang pagpapakita kahapon.

Samantala, nananatili naman sa 76 ang kumpirmadong nasawi sa trahedya kung saan nasa 12 indibidwal pa ang patuloy na hinahanap.

Nasa 44 naman ang survivors o nakaligtas sa trahedya.

Facebook Comments