
Inaasahang muling mag-ooperate ang limang power plants na may kabuuang 722 megawatts capacity sa Visayas at Mindanao ngayong Setyembre at Oktubre.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, puspusan ang pagkilos ng Department of Energy upang maibalik agad ang sapat at maaasahang suplay ng kuryente dahil hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang sitwasyon sa Visayas.
Kabilang sa mga nagbalik at nakatakdang magbalik-operasyon ang mga unit ng Cebu Energy Development Corp., Therma Visayas, Panay Energy Development Corp., Therma South, at GN Power Kauswagan.
Bukod sa mga power plant, magpapatayo rin ng 253 MW na battery storage capacity sa Cebu, Panay, Leyte, at Negros bilang backup supply kapag bumaba ang suplay ng kuryente.
Pinaigting din ng DOE ang pagsusuri sa mga power plant na paulit-ulit na nagkakaroon ng forced outages upang matukoy ang dahilan at matiyak ang maayos na maintenance ng mga ito.










