
Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na paiigtingin pa ang kooperasyon ng mga ahensiya ng gobyerno sa lokal na pamahalaan ng Marikina sa paglilinis at pagpapatupad ng mga long-term flood mitigation measures sa Marikina River.
Ito ay upang mapabilis ang paghupa at hindi umapaw ang ilog para maprotektahan ang mga residente sa matinding pagbaha.
Kahapon nang mag-inspeksiyon sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama sina DPWH Secretary Vince Dizon, Department of Environment and Natural Resources Secretary Juan Miguel Cuna at Marikina Mayor Maan Teodoro at Representative Marcy Teodoro kung saan kabilang sa mga hakbang ang paglalagay ng floating trash traps, pagpapalakas ng paglilinis at dredging, at pag-deploy ng mga tauhan at kagamitan sa Marikina River.
Sa inspeksyon ni PBBM, pinuri rin nito ang sistema ng lungsod sa flood management at waste recycling na aniya’y maaaring magsilbing modelo para sa iba pang mga lungsod sa bansa.
Samantala, patuloy rin ang regular na dredging ng lokal na pamahalaan sa mga creek at iba pang waterways upang mapanatiling maayos ang daloy ng tubig ngayong tag-ulan.
Kamakailan, nagsagawa ng dredging operation ang City Engineering Office sa Balanti Creek sa Barangay Sto. Niño.










